Linggo, Marso 22, 2026

Mula sa radio: Remember Someone Today

         

‎MULA SA RADYO: REMEMBER SOMEONE TODAY
‎kaysarap pakinggan ng musika
‎ng pagsintang may inaalala
‎sa radyo lalo na't sasabihin:
‎"Remember someone today" na bilin
‎sino pa ba ang nagugunitâ
‎ng taring na biyudong makatâ
‎kundi ang kanyang itinatangi
‎at sanhi ng kanyang mga hikbi
‎kaygagandang awit ng pag-ibig
‎animo pagsinta'y di malupig
‎ng anumang panganib at hirap
‎ng loob na madalas malasap
‎salamat sa gayong mga tugtog
‎na tila sa sinta'y inihandog
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.22.2026
‎* mula sa istasyong 96.3 Easy Rock
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1BGVkrqqrx/ 

Pagbabakasakali ngunit sulit

      

PAGBABAKASAKALI NGUNIT SULIT
‎kayrami kong natutunan sa Printbiz
‎para sa akin ay sulit na sulit
‎nais kong natutunan ko'y magamit
‎sana dito'y di ako magmintis
‎di sapat ang aking napagbentahan
‎ng mumunti kong libro ng tulaan
‎dapat may dagdag na pagkakitaan
‎sa Printbiz ay nagbakasakali lang
‎ngunit sulit pagkat ako'y natuto
‎upang ang buhay ay muling tumakbo
‎pasasalamat ang tanging alay ko
‎pagkat may pagkakakitaang bago
‎maraming salamat at pagpupugay
‎sa Printbiz, mga mentor ay kayhusay
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.22.2026

Sabado, Marso 21, 2026

Halina't magtulawitan

 

HALINA'T MAGTULAWITAN
‎ang makatang may luha't pag-asa
‎nangangarap maging manganganta
‎kaya tinitipa sa gitara
‎ang tulang ngayon ay tulawit na
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.21.2026
‎* tulawit - pinagsamang tulâ at awit o tulang inaawit

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:

Palakingkingan

PALAKINGKINGAN
‎kung ang hinliliit ay kalingkingan
‎hinlalato pala'y palakingkingan
habang may daliring palasinsingan
‎may salitang madalas di magamit
ang palakingkingan ay parang pilit
palasinsingan sa kasal malimit
‎mabuti na rin at nabatid iyon
‎na para sa mga makata'y misyon
‎at para sa tugmaang nilalayon
‎anumang tawag, daliri'y may silbi
‎tulad ng hintuturo't hinlalaki
‎pagtipa sa selpon, kompyuter, busy
‎di man pamilyar ang ilang salitâ
‎mabuti't nabatid ang bago't lumà
‎bago sa akin, batid ng matandâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.21.2026 (World Poetry Day)
‎* mulâ sa Diksiyonaryong Adarna, pahina 674

Nilay sa digmâ

NILAY SA DIGMÂ
‎nananakop na ang imperyalistang bansâ
upang langis at yaman ng iba'y agawin
‎para sa kanilang pansariling interes
‎nag-iimbento ng rason upang mandigmâ
‎una nilang inatake ang Venezuela
‎nagbantang isusunod ang Cuba at Greenland
‎biglang-bigla'y inatake nila ang Iran
‎at ibang alyadong bansa'y niyayakag pa
‎armas pandigma ang pangunahing produkto
‎na pag walang digmaan ay walang bibili
‎imperyalista'y may silbi lang sa sarili
‎subalit panggulo pag nandigmâ na ito
‎wakasan ang gerang walang silbi sa atin
‎kundi kapritso lang ng makapangyarihan
‎tuunan ang pag-unlad at kapayapaan
‎anumang tinanim ang siyang aanihin
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.21.2026
‎* mga litrato mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 2, 2026, tampok na balità (headline) at pahina 2

Ngayong World Poetry Day 2026

NGAYONG WORLD POETRY DAY 2026
‎tumatagaktak man / ang pawis sa noo
‎nilalakad ko ma'y / kilo-kilometro
‎patuloy ang nilay / sa kalsada't kwarto
‎kathâ ng makata'y / regalo sa mundo
‎idolo ko sina / Batute't Balagtas
‎mga kathâ nila / sa diwa'y kumatas
‎Sa Dakong Silangan, / bansang Pilipinas
‎Florante at Laura'y / binasa't nawatas
‎nariyan din sina / Percy Bysshe Shelley,
‎‎John Keats, Arthur Rimbaud, / Neruda, Tagore
‎Cirilo Bautista, / Natsume Sōseki,
‎Glen Sales, Teofilo / Cid, Romalyn Ante

‎Bucaneg, Almario, / Gemino H. Abad,
‎Lumbera, Collantes, / Dimalanta, Gullas,
‎Joel Malabanan, / Danilo C. Diaz,
‎Emmanuel Lacaba, / at Maningning Miclat
‎papel ko man lagi'y / makatâ ng masa
‎pagkat tumutulâ / sa rali't kalsada
‎sa tugma't sukat ma'y / nakabartolina
‎pinag-iigihan / ang tulâ tuwina
‎sa mga higante / sa larang ng tulâ
‎ako'y nagpupugay / sa inyong nagawâ 
‎ngayong Daigdigang / Araw ng Pagtulâ
‎mabuhay! Mabuhay / ang bawat makatâ!
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.21.2026

Munglô, muól at muóy

MUNGLÔ, MUÓL, AT MUÓY
‎ano kaya sa Ingles ang munglô?
‎sa medisina, ang kahulugan
‎ay paninilaw bunga ng sakit
‎tulad ng Gilbert syndrome, cirrhosis
‎sa Zoolohiya ay natukoy
‎kung ano yaong muól at muóy
‎ang muól ay usang nalagasan
‎ng sungay sa sakit, katandaan
‎kung ang muóy ay babaeng kúto
‎kuyumad ay maliit na kúto
‎at ang lisâ ay itlog ng kúto
‎ano naman ang lalaking kutó?
‎tatlong salitang bago o lumà
‎bago sa akin, lumang salitâ
‎na nasaliksik ko nang di sadyâ
‎na mabuting gamitin sa tulâ
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.21.2026 (World Poetry Day)
* litrato mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.610

Mula sa radio: Remember Someone Today

          ‎MULA SA RADYO:  REMEMBER SOMEONE TODAY ‎ ‎kaysarap pakinggan ng musika ‎ng pagsintang may inaalala ‎sa radyo lalo na't sasabi...