Sabado, Nobyembre 30, 2024

Lugaw na naman

LUGAW NA NAMAN

lugaw muli ang pagkain ni misis
sa ospital, sa lugaw nagtitiis
bawal muna sa kanya ang matamis
o kaya'y maalat na parang patis

aba'y pangtatlumpu't siyam na araw
na namin ngayon, pagkain ay lugaw
na pamatid-gutom sa araw-araw
rasyon ng ospital, meron pang sabaw

pinagandang tawag sa lugaw: congee
warfarin diet sa kanya'y sinilbi
sa umaga, tanghali hanggang gabi
hanggang kalagayan niya'y bumuti

pag nagsawa siya, ako'ng kakain
kaysa mapanis, di ko sasayangin
pagkat ito nama'y lamang tiyan din
at laking tipid pa para sa akin

bibilhin ko naman ang kanyang gusto
basta sakit ay di lumalang todo
paggaling niya'y pangunahin dito
kaya nakabantay talaga ako

- gregoriovbituinjr.
11.30.2024

* kinatha ngayong ika-161 kaarawan ni Supremo Gat Andres Bonifacio 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

HEART at EARTH

HEART AT EARTH ‎ ‎pag nirambol ang mga salitâ ‎tulad ng  EARTH  ay  HEART  ang katagâ ‎may pusò kang mahalin ang lupà ‎o daigdig nating lumu...