Biyernes, Enero 16, 2026

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA

di ako mahilig sa horoscope subalit
mahilig ako sa pagsagot ng sudoku
ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi
ay nababasa ko ang Libra, horoscope ko

tulad ngayong araw, anong ganda ng payò
piliin daw ang mga taong nagbibigay
ng katahimikan, kayganda ng nahulô
ibig sabihin, ang nanggugulo'y layuan

katahimikan ng loob ang sabing ganap
kapanatagan at ginhawa'y madarama
kaysa mapanira't magugulo kausap
payapang puso't diwa'y kaysarap talaga

di man ako naniniwalà sa horoscope
ang nabasa ko'y talagang malaking tulong
upang positibong enerhiya'y mahigop
lalo't sa mabuting pakiramdam hahantong

horoscope sa sikolohiya'y may epekto
na tilà pinapayuhan ng kaibigan
lalo't mag-isa na lang ang gaya kong bálo
kung may peace of mind, payapa ang pakiramdam

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

* mula sa pahayagang Abante Tonite, Enero 16, 2026, p.7

Sa 3rd Black Friday Protest ng 2026

SA 3RD BLACK FRIDAY PROTEST NG 2026

patuloy pa tuwing araw ng Biyernes
ang pagkilos laban sa tuso't balakyot
isang commitment na ang Black Friday Protest
upang mapanagot ang mga kurakot

di pa humuhupà ang gálit ng bayan
sa katiwalian nitong mga trapo
nakabibingi na ang katahimikang
akala'y payapa ngunit abusado

talagang kinawat nitong mandarambong
ang pondo ng bayang sinarili nila
karaniwang tao'y saan na hahantong
kung lider na halal ay kurakot pala

nagpapahiwatig iyang ghost flood control
at mga pagbahâ sa mga kalsada
ng sistemang bulok na sadyang masahol
kaya ang sistema'y dapat palitan na!

magpapatuloy pa ang Black Friday Protest
sa pagpoprotesta'y di tayo hihintô
titiyakin nating ito'y walang mintis
nang maparusahan ang sangkot, mapiit

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

* maraming salamat sa kumuha ng litrato

Pagpupugay kay Atty. Rafa!

PAGPUPUGAY KAY ATTY. RAFA!

pagpupugay, Attorney Rafael La Viña!
magaling, mahinahon, mabuting kasama
ngayong taon, isa sa mga nakapasá
sa bar exam at ganap na abogado na

mahusay na lider ng ilang taon dito
sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino
malaking tungkulin ang maging abogado
lalo pa't naglilingkod sa uring obrero

muli, isang taaskamaong pagpupugay
uring manggagawà ay paglingkurang tunay
maraming aping obrero ang naghihintay
sa serbisyo mo't kasipagang walang humpay

at kami nama'y nakasuporta sa iyo
upang mapagkaisa ang uring obrero
nawa'y maging matagumpay kang abogado
ng bayan, ng obrero't karaniwang tao

- gregoriovbituinjr.
01.16.2026

Huwebes, Enero 15, 2026

Tambak-tambak

TAMBAK-TAMBAK

tambak-tambak ang isyu't problema ng bayan
na isa sa matinding sanhi'y kurakutan
ng buwaya't buwitre sa pamahalaan
imbes bayan, sarili ang pinagsilbihan

dilis ang nakulong, walang malaking isdâ
kayâ gálit ng masa'y di basta huhupà
sana'y maparusahan ang mga kuhilà
at pangarap na hustisya'y kamtin ng madlâ

tambak din ang pobreng di sapat ang pambili
delata, bigas, palay, gulay, isdâ, karne
presyo ng krudo, gasolina't pamasahe
serbisyo'y ninenegosyo, tubig, kuryente 

tambak ang lupà, walang matirhan ang dukhâ
tambak ang mga kontraktwal na manggagawà
inaagaw pa ang teritoryo ng bansâ
sistemang bulok nga'y sadyang kasumpâ-sumpâ

buwaya't buwitre nga, masa'y nilalamon
sa ganyang tambak na problema'y anong tugon?
ano ang iyong pananaw, anong solusyon?
sistemang bulok palitan, magrebolusyon?

- gregoriovbituinjr.
01.15.2026

Ang kaibhan

ANG KAIBHAN

mas nabibigyang pansin ang mga makatang gurô
kaysa makatang pultaym na nasa kilusang masa
naisasaaklat ang akdâ ng tagapagturò
kayhirap isaaklat ang akdâ ng aktibista

may university press para sa makatang gurô
solo diskarte naman ang makatang raliyista
may gawad na sertipiko pa ang tagapagturò
at walang ni ano ang makatang nangangalsada

nirerebyu ang mga libro ng makatang gurô
ng mga sikat na manunulat sa akademya
nasa mga bookstore ang aklat ng tagapagturò
dahil sa maraming rebyu ay sumisikat sila

sa makatang tibak, pawisang may bahid ng dugô
na produkto ng pinagdaanang pakikibaka
laban sa kurakot, trapo, dinastiya, hunyangò
nagmumulat nang mabago ang bulok na sistema

ganyan ang karanasan ko bilang makatang tibak
naghihirap man ngunit di nanghihingi ng limos
isyu't laban ng masa'y nilalarawan ng tapat
prinsipyo'y sinasabuhay, pultaym na kumikilos

kung sakaling sa rali ako'y makasalubong mo
o nasa isang forum o naglalakad mag-isa
suportahan mo naman at bilhin ang aking libro
nang may pambiling bigas ang pultaym na aktibista

- gregoriovbituinjr.
01.15.2026

Miyerkules, Enero 14, 2026

Ang napanalunan kong limang kilong bigas

 

ANG NAPANALUNAN KONG LIMANG KILONG BIGAS

bago mag-Pasko ay may piging akong dinaluhan
sa samahan, may talumpati, kantahan, sayawan
sa palabunutan ay nabunot ang aking ngalan
at limang kilong bigas ang aking napanalunan

halos tatlong linggo rin bago ko iyon naubos
palibhasa'y biyudo na, nag-iisa, hikahos
ngayong gabi, nagpapasalamat ako ng taos
sa nag-ambag niyon upang makakain nang lubos

sa manggagawa ng Anchor's Away Transport, salamat
napanalunan ko'y pinahahalagahang sukat
bilang makata't lider-dalita'y nadadalumat
na sana'y maayos din ang kalagayan ng lahat

uring manggagawa ang lumikha ng ekonomya
at nagpapakain sa mundo'y mga magsasaka
hatid ng nasa transport bawat produkto sa masa
sa akin, pinanalo'y pang-agdong buhay talaga

magpatuloy pa kayo sa mabuting adhikain
at magpapatuloy ako sa mabuting mithiin
magpatuloy tayo sa nagkakaisang layunin
muli, salamat sa bigas na nang maluto'y kanin

- gregoriovbituinjr.
01.14.2026

* maraming salamat sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), mabuhay kayo!

Ang tatlo kong aklat ng U.G.

ANG TATLO KONG AKLAT NG U.G.
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dapat sana'y apat na ang aklat ko hinggil sa underground, subalit hindi ko na makita ang kopya ko ng Notes from the Underground ng Rusong manunulat na si Fyodor Dostoevesky. Ang mayroon ako ngayon ay ang tatlong aklat hinggil sa mga rebolusyonaryong Pilipino.

Ang dalawa'y nakadaupang palad ko ng personal noong sila'y nabubuhay pa, at ang isa'y di ko nakilala subalit kapwa ko taga-Sampaloc, Maynila. Si Ka Popoy Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001) ay naging pangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP). Si Dr. Francisco "Ka Dodong" Nemenzo (Pebrero 9, 1935 - Disyembre 19, 2024) naman ay pangulo ng Laban ng Masa (LnM), at dating pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Habang si Edgar Jopson (Setyembre 1, 1948 - Setyembre 21, 1982) ay isang dating lider-estudyante noong panahon ng Batas Militar. Noong bata pa ako'y bumibili kami ng tatay ko sa kanilang grocery, ang Jopson Supermarket sa Bustillos, matapos naming magsimba sa Loreto Church.

Kaya malaking karangalan na magkaroon ng kanilang mga aklat, o aklat tungkol sa kanila.

Ang una'y ang Ka Popoy: Notes from the Underground, Collected Writings of a Working Class Hero. Nabili ko ito sa opisina ng Partido Manggagawa (PM) noong Agosto 11, 2006 sa halagang P300. May sukat itong 5.5" x 8.5" at umaabot ng tatlong daang pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Naglalaman ito ng walong kabanata, kabilang ang tinatawag na counter thesis.

Ang ikalawa'y ang Notes from the Philippine Underground ni Ka Dodong Nemenzo. Nabili ko ito sa Philippine Book Festival sa SM Megamall noong Marso 14, 2025 sa halagang P550. Inilathala ito ng UP Press. May sukat itong 6" x 9", at naglalaman ng 368 pahina, kasama na ang naka-Roman numeral. Ang naritong labintatlong kabanata ay hinati sa tatlong bahagi: I. Histories; II. Political Conjunctures; at III. Perspectives.

Ang ikatlo'y ang U.G. The Underground Tale, The Life and Struggle of Edgar Jopson, Third Edition, na sinulat ni Benjamin Pimentel. Nilathala ng Anvil Publishing, nabili ko ito sa National Book Store sa Malabon City Square nito lang Enero 8, 2026 sa halagang P395. May sukat itong 5" x 8" at naglalaman ng 256 pahina, kabilang ang naka-Roman numeral na 28 pahina. Binubuo ito ng siyam na kabanata. May mga dagdag na sulatin din ang dalawang anak ni Edjop na sina Joyette at Teresa Lorena, akda ng asawa niyang si Joy, sulatin ng direktor ng pelikulang Edjop na si Katski Flores, sanaysay ng aktor na si Elijah Canlas na gumanap na Edjop, sanaysay ni Kakie Pangilinan na gumanap na Joy, sulatin ni Oscar Franklin Tan, at sulatin ni Pete Lacaba. Sa dulo ng aklat ay mga litrato mula sa Edjop: The Movie.

Tatlong mahahalagang aklat, para sa akin, na dagdag sa munti kong aklatan.

01.14.2026

Ang matulain

ANG MATULAIN

tahimik na lang akong namumuhay
sa malawak na dagat ng kawalan
habang patuloy pa ring nagninilay
sa maunos na langit ng karimlan

panatag ang loob na binabaka
ang mga tampalasan, lilo, sukab
lalo na't kurakot at palamara
habang yaring dibdib ay nag-aalab

tahimik lamang sa sulok ng lunggâ
inaalagatâ bawat mithiin
tinitiis bawat sugat at luhâ
inuukit sa tulâ ang panimdim

sa makatâ, tula'y sagradong sining
pagkat tulâ ang aking pagkatao
bagamat wala man sa toreng garing
tula'y aking tulay sa bansa't mundo

kayâ naririto't nagpapatúloy
sa sagradong sining na binabanggit
mga tula'y dahong di naluluoy
sa paglalakbay ay lagi kong bitbit

- gregoriovbituinjr.
01.14.2026

* sa Tanay, Rizal ang civil wedding namin ng namayapa kong misis noong 2018

Martes, Enero 13, 2026

Pang-apatnapu't siyam na sa mundo si Alex Eala!

PANG-49 NA SA MUNDO SI ALEX EALA!

kaytaas na ng ranggo ni Alex Eala
siya sa mundo'y pang-apatnapu't siyam na
dapat ipagbunyi ang kanyang pinakita
sa mundo ng tennis, inspirasyon talaga

ang pangalang Alex Eala ay lumitaw
ng kaybilis, animo'y isang bulalakaw
nagniningning siyang bituin pag natanaw
ang bawat hampas ng raketa'y kampyong galaw

magpatuloy ka lang sa larangang niyakap
magtatagumpay ka sa iyong pagsisikap
magpatuloy ka't matutupad ang pangarap
at magiging number one ka sa hinaharap

maraming salamat, Alex, sa tagumpay mo
itinaas mo ang bandilang Pilipino
kaya kami'y nagpupugay ng taas-noo
sana ang tulad mo'y dumami pang totoo

- gregoriovbituinjr.
01.13.2026

* mga litrato mula sa Sports page ng pahayagang Abante, Bulgar, Pang-Masa at Pilipino Star Ngayon, Enero 13, 2026

Sampanaw, Talupad, Balanghay, Pulutong, Tilap

SAMPANAW, TALUPAD, BALANGHAY, PULUTONG, TILAP

sa Diksiyonaryong Adarna''y may natanaw
agad kong nabasa ang salitang SAMPANAW
ang akala ko'y mula sa ISANG PANANAW
o kaya merong taong MAG-ISANG PUMANAW

ngunit hindi, ito'y salin ng rehimyento
na merong dalawa o higit pang TALUPAD
o batalyon, na may dalawa o higit pang
BALANGHAY o kompanya, binubuo naman

ng dalawa o higit pang PULUTONG, platoon
habang pulutong ay dalawa o higit pang 
TILAP o iskwad, na ito'y binubuo ng pito
o higit pang kawal, wikang kasundaluhan

limang salitang dagdag aralin sa wikà
na magagamit sa maikling kwento't tulâ;
sa masasaliksik ko pang ating salitâ
ay maganda ngang maibahagi sa madlâ

- gregoriovbituinjr.
01.13.2026

* mga salitâ mulâ sa Diksiyonaryong Adarna

Bulugan at butakal

BULUGAN AT BUTAKAL

Labingwalo Pababa, ang tanong:
Barakong baboy, sagot ko dapat
Bulugan, subalit ang lumabas
Butakal, mayroon palang ganyan

salitang bulugan at butakal
ay kapwa mga barakong hayop
ngunit bulugan ay di lang baboy
sa barakong kabayo'y tawag din

lalawiganin, wikà ng bayan
pinag-isip ng palaisipan
may bagong salitang natutunan
na magagamit sa panulaan

salamat sa pagsagot ng krosword
mula sa nabiling pahayagan
libangan na, may natutunan pa
sa diwa'y ehersisyong talaga

- gregoriovbituinjr.
01.13.2026

* krosword mulâ sa pahayagang Abante, Enero 10, 2026, p.7

Greenland, bantang isunod sa Venezuela

GREENLAND, BANTANG ISUNOD SA VENEZUELA

ayon sa U.S., isusunod na ang Greenland
matapos nitong lusubin ang Venezuela
isa na namang pinakukulong digmaan
nang dahil sa Monroe Doctrine ng Amerika

ayon sa mga Kanô mismo, labag ito
sa Saligang Batas nila o Konstitusyon
wala itong basbas ng kanilang Kongreso
tilà si Trump sa pananakop na'y nagumon

mga Greenlander mismo'y ayaw magpasakop
sa U.S., sila'y mananatiling Greenlander
ngunit ang U S. ay may bantang makahayop
lalo't sila'y pakialamero't intruder

malayò man tayo sa kanila, dapat lang
iprotesta ang ganyang pahayag, balakin
dapat tutulan ang bantâ nilang digmaan
panibagong giyera'y ating tuligsain

dapat igalang ang sariling pagpapasya
ng mga bansa't katutubong mamamayan
dapat umiral ang panlipunang hustisya
para sa lahat, kahit bansa'y mahirap man

- gregoriovbituinjr.
01.13.2026

* mga ulat ng Enero 13, 2026, mulâ sa mga pahayagang Abante, p.3 at Bulgar, p.5

Ku Kura Kurakot, Ba Balak, Balakyot

KU KURA KURAKOT, BA BALAK BALAKYOT
(UTAL - ULAT - TULÂ)

ka kala kalaban / nitong ating bayan
dinastiya't trapong / ka kawa kawatan
lalo ang ku kura / ku kura kurakot
pagkat mga balak / ba balak balakyot

upa upakan na / ang nanda nandambong
sa kaban ng bayan, / u ulo'y gugulong
paru parusahan / at iku ikulong
itong TONGresista / at sina SenaTONG

kon kontra kontrakTONG  / ipi ipiit din
pa paro parunggit / iparinig man din
silang ang dukha kung / la lait laitin
tilà mga haring / sa sala salarin

li lipol lipulin / na iyang buk buktot
na sistema'y bina / binalu baluktot
wakasan ang balak / ba balak balakyot
nang matigil iyang / ku kura kurakot

- gregoriovbituinjr.
01.13.2026

Lunes, Enero 12, 2026

Kayâ tayo may tuldik

KAYÂ TAYO MAY TULDIK

siya ay galít
siya'y may gálit

baság na ang bote
may bâsag ang bote

siya ay titíg na titíg
kaytindi ng kanyang títig

maligayang báti
buti't sila na'y batí

dito'y ating mawawatas
magkakaiba ng bigkas

kayâ dapat makata'y batid
paano maglagay ng tuldik

sa ginamit na salitâ
upang mabigkas ng tamà

ganyan kahalaga ang tuldik
sa taas ng letrang patinig

kayâ dapat nating malaman
kung paano ilagay iyan

kung paano mo sinasabi
mabilis, mabagal, mabini

- gregoriovbituinjr.
01.12.2026

* litrato mula sa Diksiyonaryong Adarna, p. 952

Kurakot ba'y buwaya o pating?

KURAKOT BA'Y BUWAYA O PATING?

walâ pa raw malaking isdang nakukulong
walang pating, walang buwaya o balyena
itinuring na buwaya ang mandarambong
subalit malaking isdâ ang hanap nila

ang malaking isdâ ba'y balyena o pating?
sila yaong malalaking dapat mahuli?
gayong kurakot ay buwaya kung ituring
buwayang kurakot, sinisigaw sa rali

marahil, mga kurakot din ay buwitre
nanginginain ng dugo't pawis ng dukhâ
silang kaban ng bayan ang sinasalbahe
ay di sinasalba kundi tinutuligsâ 

kung hinahanap talaga'y malaking isdâ
pagkat siyang ulo o utak ng kurakot
baka ang hanap ay buwayang dambuhalà?
di lang basta balyena o pating ang sangkot

- gregoriovbituinjr.
01.12.2026

* litrato mula sa Editoryal ng pahayagang Pang-Masa, Enero 10, 2026, p.3

Patawa kung bumanat

PATAWA KUNG BUMANAT

dinadaan lang sa patawa
ngunit matindi ang patamà
nang sinakop ang Venezuela
U.S. ba'y anong mapapalâ?

yaong Venezuela may langis
ang Pinas may flood control projects
Pinas sasakupin? ay, mintis!
talo na pag ito ang prospect

talaga kang pinapag-isip
ng komiks sa diyaryong Bulgar
kunwa'y dyok ngunit pag nalirip
may nasapul si Mambubulgar

simple lang kung siya'y bumanat
sa mga isyung pulitikal
tilà balitang nagmumulat
lokal man o internasyunal

- gregoriovbituinjr.
01.12.2026

* komiks mulâ sa pahayagang Bulgar, Enero 10, 2026, p.5

Linggo, Enero 11, 2026

Panalo ka pa rin, Alex Eala!

PANALO KA PA RIN, ALEX EALA!

natalo ka man, panalo ka pa rin
sa pusò ng madla't bayang magiliw
sa ulat, dalawang kembot na lang daw
at ikaw na'y magiging kampyong tunay

natalo man, kami'y sumusuporta
pa rin sa iyo, O, Alex Eala!
inspirasyon sa mga Pilipino
di tulad ng kurakot sa gobyerno

mga kurakot ay nagpapababà
ng moral dahil kawatan, kuhilà
di tulad mong nagbibigay ng dangal
sa bansa't mayroong mabuting asal

sa iyo, taasnoong pagpupugay!
pagkat sa bayan, bayani kang tunay!

- gregoriovbituinjr.
01.11.2026

* ulat mulâ sa pahayagang Abante, Enero 10 at 11, 2026, p.8

Hustisya kay Renee Nicole Good, raliyista!

HUSTISYA KAY RENEE NICOLE GOOD, RALIYISTA!

bakit ba pinaslang ang isang raliyista
kung trapiko lang ang sanhi kaya sinita
dapat malaliman itong maimbestiga
tinangkang tumakas sa rali? binaril na?!

kawawa ang biktimang si Renee Nicole Good
kaya nasa rali sa masa'y naglilingkod
bakit immigration agents ay napasugod?
anong klaseng batas ang kanilang sinunod?

sa Minneanapolis pa nangyari iyon
isyung migrante ba kaya nagrali roon?
may naulilang anak ang biktimang iyon
kaya dapat may masusing imbestigasyon

bakit ang raliyista'y binaril sa rali?
dapat talagang i-protesta ang nangyari
may katarungan sanang makamit si Renee
Nicole Good, at parusahan ang sumalbahe

- gregoriovbituinjr.
01.11.2026

* tula batay sa ulat ng pahayagang Abante, Enero 10, 2026, p.3

Kaymahal na ng okra

KAYMAHAL NA NG OKRA

ilang panahon ding sampung piso
lamang ang okrang limang piraso
hanggang sa maging bente pesos na
nang nakaraang isang buwan pa

bente bawat tali sa palengke
buti't sa bangketa, merong kinse
kagaya nitong tangan ko ngayon
kinse lang nang bilhin ko kahapon

mga presyo na'y nagtataasan
mga gulay na'y nagmamahalan
habang mga trapo, minumura
dahil kurakot sila't buwaya

buti pa'y magtanim sa bakuran
nitong okra't ating alagaan
balang araw ay may maaani
na maaari ring ipagbili

- gregoriovbituinjr.
01.11.2026

Pagpili ng salitâ

PAGPILI NG SALITÂ

hagilap ko ang mga katagâ
ng papuri at panunuligsâ
mga salitang mapagparayà
saya, libog, siglâ, sumpâ, luhà

bawat katagâ ay pinipili
batay sa linamnam, sugat, hapdi
ang mga salita'y piling-pili
upang ilapat sa akda't mithi

bakasakaling magkapitbisig
ang mga api, obrero't kabig
bakasakaling kaibig-ibig
ang katha't sa masa'y maging tinig

ano ang talinghaga't sagisag?
kalooban ba'y napapanatag?
sa bayan ba'y may naiaambag?
makatâ ba'y gaano katatag?

- gregoriovbituinjr.
01.11.2026

Sa ikapitong death monthsary ni misis

PAGSINTA

O, iniibig kita
subalit nawalâ ka
ikapitong buwan na
ng pagluhà ko't dusa

tanaga-baybayin
gbj/01.11.2026

Sabado, Enero 10, 2026

Pagmamalabis ng U.S.

PAGMAMALABIS NG U.S.
(tulang binigkas na makata sa rali)

tunay na naging mapagmalabis
upang makopo nila ang langis
ng Venezuela, sadyang kaybangis
iyan ang imperyalistang U.S.

bagong timpla, bulok na sistema
ganyan pag bansang imperyalista
bagong pananakop nga talaga
ng Amerika sa Venezuela

binabalik sa dating panahon
ng pananakop ng mga buhong
batay sa doktrinang Monroe noon
na ibinabalik ni Trump ngayon

doktinang ang buong Amerika
pati na ang Latin America
ay kanila, inaari nila
pati na bansang may soberanya

huwag nating hayaang ganito
baka mangyari sa atin ito
tama lang na magprotesta tayo
pagkat ganid ang imperyalismo

- gregoriovbituinjr.
01.10.2026

* mga litrato kuha sa pagkilos sa QC, 01.10.2026

Payak na hapunan

PAYAK NA HAPUNAN

muli, payak ang hapunan
sibuyas, kamatis, bawang,
okra at tuyong hawot man
basta malamnan ang tiyan

habang nagninilay pa rin
sa harap man ng pagkain
tila may binubutinting
sa diwa't paksa'y pasaring

upang tayo na'y mauntog
laban sa buwitreng lamog
buwayang di nabubusog
pating na lulubog-lubog

isip ay kung anu-ano
kayraming tanong at isyu
mga kurakot na loko
ba'y paano malulumpo?

- gregoriovbituinjr.
01.10.2026

E-Jeep pala, hindi Egypt

E-JEEP PALA, HINDI EGYPT

"Sumakay kami ng Egypt!" Sabi ng kaibigan kong dating OFW.

"Buti, dala mo passport mo." Sabi ko.

Agad siyang sumagot. "Bakit ko naman dadalhin ang passport ko, eh, sinundo ko lang naman ang anak ko upang mamasko sa iyo."

"Sabi mo, galing kayong Egypt.." Ani ko.

"Oo, e-jeep ang sinakyan namin punta rito."

"Ah, 'yung minibus pala ang tinutukoy mo. E-jeep, electronic jeep, at hindi bansang Egypt."

@@@@@@@@@@

e-jeep at Egypt, magkatugmâ
isa'y sasakyan, isa'y bansâ
pag narinig, singtunog sadyâ

kung agad mong mauunawà
ang pagkagamit sa salitâ
pagkalitô mo'y mawawalâ

ang dalawang salita'y Ingles
mundo'y umuunlad nang labis
sa komunikasyon kaybilis

bansang Egypt na'y umiiral
sa panahong una't kaytagal
nasa Bibliya pang kaykapal

bagong imbensyon lang ang e-jeep
kahuluga'y electronic jeep
kuryente't di na gas ang gamit

- gregoriovbituinjr
01.10.2026

Pahayagang Baybayin

upang pagkaisahin
ang bayang mahal natin
pahayagang Baybayin
ay ating proyektuhin

- tanaga-baybayin
gbj/01.10.2026

Humaging sa diwa

HUMAGING SA DIWA

madaling araw pa rin ay gising
sa higaan ay pabiling-biling
dapat oras na upang humimbing
ngunit sa diwa'y may humahaging

di ko mabatid yaong salita
na nais magsumiksik sa diwa
mababatid ko rin maya-maya
at agad ko nang maitutula

marahil dapat muling umidlip
baka naroon sa panaginip
ang salitang nais kong malirip
o baka naritong halukipkip

ayaw akong dalawin ng antok
subalit nais ko nang matulog

- gregoriovbituinjr.
01.10.2026

Biyernes, Enero 9, 2026

Di sapat ang tulog

DI SAPAT ANG TULOG

matutulog na ng alas-diyes
mabuti iyan sa kalusugan
ngunit nagigising ng alas-tres
ng madaling araw, madalas 'yan

limang oras na tulog ba'y sapat?
gayong walong oras yaong payò
bakit alas-tres na'y magmumulat?
walong oras bakit di mabuô?

buting gumising ng alas-sais
mabuti iyon sa kalusugan
sa walong oras ay di na mintis
maganda pa sa puso't isipan 

subalit tambak ang nalilirip 
pag nagising ng madaling araw
isusulat agad ang naisip
kakathâ na kahit giniginaw

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Sa 2nd Black Friday Protest 2026

SA 2ND BLACK FRIDAY PROTEST 2026

di mapapawi ang galit ng sambayanan
laban sa mga nangungurakot sa kaban
ng bayan, buwis na dinambong ng iilan
para sa sarili lang nilang pakinabang

dapat magpatúloy pa ang pakikibaka
laban sa mga kurakot at dinastiya
upang masawata na ang pananalasa
ng kurakot, patuloy tayong magprotesta

kahit di sabay-sabay o marami tayo
ipakitang sa buktot galit na ang tao
kurakot, buktot, balakyot, pare-pareho
silang dapat managot, dapat makastigo

sa pangalawang Black Friday Protest ng taon
patuloy pa rin nating isigaw: IKULONG
na 'yang mga kurakot, trapong mandarambong!
huwag hayaang tumakbo pa sa eleksyon!

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Pasasalamat

PASASALAMAT

salamat sa nagla-like sa tulâ
dahil sa inyo, gising ang diwà
at harayà ng abang makatâ
kahit tigib ng lumbay at luhà

kayo, ang masa, ang inspirasyon
upang ipagpatuloy ang misyon
sa wikang Filipino at nasyon
upang tuparin ang nilalayon

mapagkumbaba akong saludo
sa inyo, kapwa dukha't obrero
kung wala kayo, walâ rin ako
salamat, pagpupugay sa inyo!

tunay ngang ang masa ang sandigan
nitong makatâ para sa bayan
kayrami nating pinagsamahan
at marami pang pagsásamáhan

- gregoriovbituinjr.
01.09.2026

Huwebes, Enero 8, 2026

Pagtitig sa kawalan

PAGTITIG SA KAWALAN

minsan, nakatitig sa kawalan
sa kisame'y nakatunganga lang
o nakatanaw sa kalangitan
kung anu-anong nasa isipan

paligid ay ikutin ng mata
at kayrami nating makikita
isyu, balita, bata, basura
mga paksâ, mga nadarama

madalas ay walang nalilirip
nais lang pahingahin ang isip
nang katauhang ito'y masagip
sa lumbay at dusang halukipkip

narito lang akong nakatanaw
sa malayò, walang tinatanaw
tilà ba ang diwa'y di mapukaw
para bang tuod, di gumagalaw

- gregoriovbituinjr.
01.08.2026

Kape at pandesal

KAPE AT PANDESAL

tarang magkape at pandesal sa umaga
habang patuloy ang buhay na may pag-asa
na nangangarap ng panlipunang hustisya
para sa bayan, uring paggawa, at masa

dapat may laman ang tiyan bago magkape
upang katawan ay maganda ang responde
kainin ang sampung pandesal na binili
habang inaatupag ang katha't sarili

buting nakapag-almusal bago pumasok
sa trabaho, sa pagsulat man nakatutok
manuligsa ng kurakot at trapong bugok
at kumilos din laban sa sistemang bulok

kayraming paksa't isyung nakatitigagal
ay, tara na munang magkape't magpandesal
upang busóg sa pagkilos, di nangangatal
upang sa anumang laban ay makatagal

- gregoriovbituinjr.
01.08.2026

Miyerkules, Enero 7, 2026

Parang lagi akong nagmamadali

PARANG LAGI AKONG NAGMAMADALI

madalas, animo'y nagmamadali
na sa bawat araw dapat may tula
parang oras na lang ang nalalabi
sa buhay ko kaya katha ng katha

palibhasa'y pultaym ang kalagayan
bilang tibak na Spartan, maraos
lang ang araw at gabing panitikan
kung ang mga dukha'y walang pagkilos

kung may pera lamang sa tula, tiyak
may pambayad sa tubig at kuryente
bayaran ang utang na sangkatutak
bilhin ang gustong aklat sa estante

subalit tula'y bisyong walang pera
kahit mayaman sa imahinasyon
sadyang dito'y walang kita talaga
makata'y maralita hanggang ngayon

sana'y makatha ko pa rin ang plano
kong nobelang kikita ng malaki
pangarap na pinagsisikapan ko
iyon man lang ay maipagmalaki

- gregoriovbituinjr.
01.07.2026

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/r/16i2vk7xMX/ 

Ang diwatang si Makabósog

ANG DIWATANG SI MAKABÓSOG

may diwatang ngalan ay Makabósog
na nagpapakain sa nagugutom
lalo't dukha'y nais niyang mabusog
kaysa kinakain ay alimuom

kayraming mga pulubi sa daan
namamalimos at bukas ang palad
halal na trapo'y walang pakialam
nakikita na'y di magbukas palad

pagkat di nila batid kung botante
ang pulubi nang ayuda'y mabigyan
di tiyak na iboto ng pulubi
kaya kanilang pinababayaan

si Makabósog ay nasaan kayâ
nasa lumang lipunang Bisayà ba?
walâ bang kamatayan ang diwatà?
kung namatay, buhayin natin sila!

buhayin sa mga kwento't alamat
nitong bayan at gawing inspirasyon
mga dukha'y magsikap at magmulat
upang may makain ang nagugutom

hanggang bulok na sistema'y baguhin
ng nagkakaisang dukha't obrero
ang pagsasamantala'y papawiin
itatayo'y lipunang makatao

- gregoriovbituinjr
01.07.2026

* Makabosog - mula sa Diksiyonaryong Adarna, p.558

Aralin ang bilnuran - tanaga-baybayin

aralin ang bilnuran
upang sa sukli't bayad
sa dyip na sinasakyan
matiyak tamang lahat

gbj/01.07.2026

* bilnuran - aritmetika
* ambag sa proyektong tanaga-baybayin

Martes, Enero 6, 2026

Dalawang plato pa rin tayo sa kaarawan mo

DALAWANG PLATO PA RIN TAYO SA KAARAWAN MO

dalawang plato pa rin ang inihanda ko
sa kaarawan mo, mahal, tig-isa tayo
bagamat alam kong ako lang ang kakain
naisip kong ang handa'y pagsaluhan natin

pagbati ko ay maligayang kaarawan
wala ka na subalit ikaw pa'y nariyan
wala mang keyk, ipagpaumanhin mo, sinta
pagkat keyk ngayon higit presyong Noche Buena

binilhan ka ng paborito mong adobo
tayo lang dalawa ang magsasalo-salo
bagamat ako lang talaga ang uubos
datapwat ako lang mag-isa ang uubos

sinta kong Libay, tigib man ako ng luhà
happy birthday ang bati ng abang makatâ

- gregoriovbituinjr.
01.06.2026

Sa iyong ika-42 kaarawan

SA IYONG IKA-42 KAARAWAN

saan ka man naroroon
maligayang kaarawan
ninamnam ko ang kahapon
na tila di mo iniwan

oo, nasa gunita pa
ang mapupula mong labi
akin pang naaalala
ang matatamis mong ngiti

tulad ng palaso't busog
ni Kupido sa puso ko
binabati kita, irog
sa pagsapit ng birthday mo

muli, pagbati'y tanggapin
sa puso ko'y ikaw pa rin

- gregoriovbituinjr.
01.06.2026

Madaling araw

MADALING ARAW

tila ako'y nagdidiliryo
di naman masakit ang ulo
baka nananaginip ako
nagtataka, anong totoo?

kahit nagugulumihanan
tila batbat ng kalituhan
ako'y tumayo sa higaan
at kinuha ang inuminan

ako ba'y nakikipaghamok
sa mga kurakot sa tuktok
agad naman akong lumagok
ng tubig, at di na inantok

madilim pa pala't kayginaw
pagbangon ng madaling araw
katawan ko'y ginalaw-galaw
ay, sino kaya ang dumalaw?

- gregoriovbituinjr.
01.06.2026

Lunes, Enero 5, 2026

Kaypanglaw ng gabi

KAYPANGLAW NG GABI

ramdam ko ang panglaw ng gabi
lalo ang nagbabagang lungkot
sa kalamnan ko't mga pisngi
na di batid saan aabot

may hinihintay ngunit walâ
subalit nagsisikap pa rin
sa kabila ng pagkawalâ
ng sintang kaysarap mahalin

tila ba gabi'y anong lamlam
kahit maliwanag ang poste
at buwan, tila di maparam
ang panglaw at hikbi ng gabi

sasaya ba pag nag-umaga?
o gayon din ang dala-dala?

- gregoriovbituinjr.
01.05.2026

Luhà

LUHÀ

ang kinakain ko'y / mapait na luhà
sapagkat ang sinta'y / kay-agang nawalâ
ang tinatagay ko'y / luhang timbâ-timbâ
na buhay kong ito'y / tila isinumpâ

pasasaan kayâ / ako patutungò
kung yaring sarili'y / tila di mahangò
hinahayaan lang / na ako'y igupò
ng palad at buhay / na di ko mabuô

tanging sa pagkathâ / na lang binubuhos
ang buong panahon / ng makatang kapos
bagamat patuloy / pa rin sa pagkilos
kasama ng masa't / obrerong hikahos

napakatahimik / pa rin nitong gabi
kahit may nakuro / ay walang masabi
nakatitig pa rin / ako sa kisame
habang sa hinagpis / pa rin ay sakbibi

- gregoriovbituinjr.
01.05.2026

Dalawang bayani: Carlos Yulo at Alex Eala

DALAWANG BAYANI: CARLOS YULO AT ALEX EALA

dapat bang pumili lang ng isa
gayong parehong nag-ambag sila
sa sports ng bansa't nakilala
sa pinasok na larangan nila

mahilig tayong isa'y piliin
bakit? para ang isa'y inggitin?
ang dalawa'y parangalan natin
na bagong bayani kung ituring

dapat ba isa'y pangalawa lang?
gayong magkaiba ng larangan
isa'y gymnast, isa'y tennis naman
bakit isa ang pagbobotohan?

ang isa'y di mababa sa isa
Athlete of the Year sana'y dalawa
Carlos Yulo at Alex Eala
kinilala sa larangan nila

nagningning ang kanilang pangalan
dahil kanilang napagwagian
ang laban, puso't diwa ng bayan
kayâ kapwa sila parangalan!

- gregoriovbituinjr.
01.05.2025

* ulat mulâ sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Pang-Masa, Enero 4, 2026, sa sports page

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...