Biyernes, Nobyembre 1, 2019

Ilang pagninilay sa relokasyon

may natirhang bahay, wala namang laman ang tiyan
ganyang buhay sa relokasyon, pag iyong nalaman
paano na ang buhay kung walang anumang yaman
kundi sariling buhay, humihinga pa rin naman

binigyan ng matitirhang bahay sa relokasyon
subalit walang hanapbuhay na nagisnan doon
di ba't di lang bahay ang usapan sa negosasyon
kundi hanapbuhay, panlipunang serbisyo roon

ginawan ng bahay, tinapon doong parang daga
sa lunsod daw, masakit sila sa mata ng madla
kaya hayun, itinapon sa malayo ang dukha
ang pamahalaan pala'y ganuon kumalinga

buhay sa relokasyon ay dusa, gutom, marahas
tila isang kumunoy iyong di ka makaligtas
minsan may seks kapalit ng ilang latang sardinas
nangyayari'y seks kapalit ng ilang kilong bigas

kaya dapat pampublikong pabahay ang ihanda
ibatay iyon sa kakayahan ng maralita
di aangkinin iyon o kinatirikang lupa
kundi habang nakatira'y uupahan ng dukha

di ipamamana, pag nasira iyon ng bagyo
o kaya'y winasak iyon ng nagdaang delubyo
ang may tungkuling magpagawa niyon ay gobyerno
dahil pampublikong pabahay ay kanyang serbisyo

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

'Buwayang' Kandidato

'BUWAYANG' KANDIDATO sa komiks ni Kimpoy sa dyaryong Bulgar natanong ang isang botante roon na bakit daw 'buwayang' kandidat...