Sabado, Nobyembre 2, 2019

Plastik at dahon ay huwag pagsamahin sa basurahan

itinapon ang boteng plastik kung saan-saan lang
at isinama pa sa dahong nabubulok naman
tila hirap na hirap magtapon sa basurahan
tandang pag-uugali'y sagisag ng kabulukan

anong itinuro sa kanila ng mga guro?
kung itinuro man, di naunawaan, kaylabo
o kaya guro'y terror sa kanila't di kasundo
o kaya sila mismo sa buhay nila'y tuliro

dahil ba may basurang hawak, sila'y nahihiya?
dahil sa basurang tangan, sila'y naaasiwa?
nawalan ng laman ang bote, ito'y basura na?
habang nang may laman pa'y tangan pa itong masaya!

bakit hinalo ang plastik sa dahong nabubulok?
iyon ba'y wala lang sa kanila? sila ba'y bugok?
gayong ang mga plastik ay di naman nabubulok!
bakit may pinag-aralan pa ang nagiging ugok?

masisita ka ng titser mo sa maling pagtapon
kung sakaling nakita ka sa ginawa mo ngayon
payo ko, i-ekobrik iyang plastik mong natipon
at dahon ay huwag sunugin, sa lupa'y ibaon

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

'Buwayang' Kandidato

'BUWAYANG' KANDIDATO sa komiks ni Kimpoy sa dyaryong Bulgar natanong ang isang botante roon na bakit daw 'buwayang' kandidat...