Lunes, Marso 30, 2020

Magtanim-tanim sa panahon ng COVID-19

Magtanim-tanim sa panahon ng COVID-19

sa kalunsuran nga'y nauso ang urban gardening
wala mang malaking lupa'y maaaring magtanim
sa lata ng pintura't sardinas o sa paso rin 
magtanim upang balang araw ay may aanihin

magtanim ng alugbati't kamatis sa bakuran
magtanim ng munggo sa paso't lagi mong diligan
pati kamote't talbos nito'y masarap iulam
basta't mga tanim mo'y lagi mong aalagaan

sinong maysabing sa lungsod ay di pwedeng magsaka
gayong sa urban gardening ay makakakain ka
mayroon kang tanim, pakiramdam mo pa'y masaya
aba'y may gulay ka na, may ulam pa ang pamilya

tayo'y magtanim at paghandaan natin ang bukas
lalo't may kwarantinang di ka basta makalabas
lalo sa panahon ngayong buhay ay nalalagas
dahil sa sakit na di pa nabibigyan ng lunas

magtanim ng kalabasa, patola, okra, gabi
tayo't mag-urban gardening na't ating masasabi
sa panahon ng kwarantina, tayo'y very busy
lalo't ang buhay sa ngayon ay di na very easy

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...