Martes, Marso 17, 2020

Tinititigan ko ang mga bituin sa gabi

tinititigan ko ang mga bituin sa gabi
nakatunganga sa langit, tila di mapakali
nasaan kaya ang Big Dipper o Alpha Centauri?
at nasaan din ang Orion's Belt na sinasabi?

mas mainam yata kung may sariling teleskopyo
marahil ay tulad ng ginamit ni Galileo
sumusulpot ba ang bulalakaw minu-minuto?
o matagal-tagal na panahong hintayan ito?

marahil malayo-layo pa'y aking tatahakin
upang pag-aralan ang buhay ng mga bituin
suriin di lang daigdig kundi kalawakan din
mga buntala ba'y sa araw umiikot pa rin?

ang mga bituin sa gabi'y tala sa umaga
subalit dahil sa araw ay di natin makita
noon pa hanggang ngayon, bituin ay nariyan na
gabay ng mandaragat, sa karimlan ay pag-asa

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...