Huwebes, Mayo 14, 2020

Bukrebyu sa aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan"

Bukrebyu: Ang aklat na SI ANDRES BONIFACIO AT ANG HIMAGSIKAN ni Jose P. Santos
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan noong Disyembre 9, 2019 sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00 lang. Laking tuwa kong magkaroon ng makasaysayang aklat na ito para sa aking koleksyon.

Ito'y sinaliksik at sinulat ni Jose P. Santos at may Paunang Tula ni Jose Corazon de Jesus. Umaabot ito ng 52 pahina at ikalawang paglilimbag na ito noong 1935.

Isinalaysay dito ni Santos ang mga nasaliksik niyang talambuhay ni Gat Andres Bonifacio, tinalakay at nilathala rin ng buo ang mga sanaysay ni Bonifacio na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan", dalawang liham ni Bonifacio, at kanyang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", "Tapunan ng Lingap" at "Ang mga Cazadores", at salin ni Bonifacio ng Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal.

May kopya rin ng ulat ni Heneral Lazaro Makapagal, na pinadala kay Jose P. Santos, may petsang Hunio 27, 1929, hinggil sa naganap noong Mayo 10, 1897, nang pinaslang sina Andres at Procopio Bonifacio ng grupong pinamunuan ni Makapagal.

Naroon din ang dalawang ulat, may petsang Marso 31 at Nobyembre 26, taon 1926, si Epifanio delos Santos, direktor ng Philippine Library and Museum, hinggil sa mga natuklasang buto ni Bonifacio.

Anupa't napakaraming datos ang ating malalaman tungkol sa buhay, sulatin, at kamatayan ng ating dakilang bayani. Dapat din itong mabasa ng sinumang nagmamahal sa kalayaan ng bayan at nakikibaka para sa kaginhawaan ng bawat tao sa daigdig.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2020, pahina 16.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...