Martes, Mayo 12, 2020

Kwento ng pagkamulat

nagisnan ko ang liwanag sa aking mga mata
mula sa pagkahimbing ay dumatal ang umaga
tila sikat ng araw ay panibagong pag-asa
habang kinakaharap ang laksang pakikibaka

namulat akong di magkapantay ang kalagayan
ng samutsaring tao sa kinagisnang lipunan
tanong ko: bakit may mahirap, bakit may mayaman
sistema'y inaral upang di magulumihanan

di ko mawari bakit ganito sa bayan natin
dapat ang lipunang ito'y suriin at baguhin
mayaman ang mapagsamantala't mapang-alipin
gayong dukhang inaapi'y mga kapwa tao rin

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga
ni Gat Emilio Jacinto na bayaning dakila
dahil dito'y hinanap ang diwang mapagpalaya
hanggang aking makasama ang uring manggagawa

nagsuri't aking natutunan ang kanilang layon
sila pala'y may dakilang papel upang bumangon
ang mga api't pinagsasamantalahang nasyon
prinsipyo ng uring manggagawa, ito ang tugon

dahil sa kanila'y namulat ako't naririto
prinsipyo't misyon ng uring obrero'y niyakap ko
at aming itatayo ang lipunang makatao
salamat sa nagmulat sa akin, mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...