Linggo, Hunyo 28, 2020

Maikling kwento: Paghuli sa mga tinuturing na pasaway

PAGHULI SA MGA TINUTURING NA PASAWAY
Maikling kwento ni Greg Bituin Jr.

"Galing lang ako sa botika upang bumili ng facemask, pero ubos na raw at walang stock. Kaya umuwi na ako. Sa paglalakad ay bigla na lang akong hinuli at pinalo ng yantok ng pulis. Pasaway daw ako at hindi sumusunod, dahil wala raw akong suot na facemask." Ito ang kwento ni Ka Kiko sa ilan pang nakakulong sa presintong iyon.

"Halos ganyan din ang nangyari sa akin. Wala rin akong mabilhan. Tapos sabi nila, dapat social distancing. Sinunod ko iyon. Pero silang mga alagad ng batas ang hindi sumusunod, dahil mismong dito sa kulungan ay walang social distancing. Para tayong sardinas dito." Ito naman ang sabi ni Efren na nakilala ni Ka Kiko sa loob.

Tahimik lang na nakikinig si Ka Dodong sa kanilang usapan. Subalit siya'y natanong. "Ikaw naman, anong kwento mo?"

Ayaw sana niyang sumabat sa usapan, ngunit nais na rin niyang ikwento ang nangyari sa kanya. Aniya, "May facemask ako, subalit wala akong quarantine pass. Taga-Malabon ako subalit nais kong bumili ng isda sa Navotas. Hinuli ako't ikinulong. Di pa alam ng pamilya ko ang nangyari sa akin."

Matitindi na ang mga usapan sa piitang iyon. Ikinulong sila sa salang walang suot na facemask, walang quarantine pass, at mga pasaway daw sila.

Sumabat naman si Ka Lito na isang manggagawa. Ang kwento niya, bilang lider-manggagawa, hindi niya kinakalimutan ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na sumasapit tuwing unang araw ng Mayo. Tiniyak nilang may social distancing at sila’y nagpahayag sa social media ng mga panawagang tulad ng Free Mass Testing Now! na nakasulat sa kanilang plakard. Ayon pa sa kanya, walang masama roon dahil "Taon-taon naman ay ipinagdiriwang namin ang Mayo Uno. Ganoon din ngayon, na naka-facemask kami, nag-alkohol, at nag-social distancing, ngunit hinuli pa rin."

Sumabat uli si Ka Kiko, "Ano bang maaasahan natin sa ganitong gobyernong walang pakundangan sa karapatang pantao. Iyon ngang sundalong si Winston Ragos na sinita ng limang pulis ay pinaslang ng pulis, na may sayad din yata, dahil walang facemask. Meron pang batang pinalo ng yantok ng pulis dahil walang facemask. May hinuli ring twalya, imbes facemask, ang isinuot. Paano na ang due process at karapatang pantao?”

Narinig sila ng pulis na nagba-bantay sa kanila. "Mga pasaway kasi kayo, kaya dapat kayong hulihin."

Sinagot tuloy ni Ka Kiko ang pulis na bantay. "Paano kami naging pasaway? Naubusan nga ng facemask sa botika, pasaway?"

"Mas pasaway kayong mga pulis. Sabi ninyo, dapat social distancing, pero dito sa kulungan, naka-social distancing ba kami? Ang hepe nyo ngang si Debold Sinas, nakapag-manyanita pa. Nagkasayahan nang hindi naman nag-social distancing. Tapos, di nakasuhan. Basta pulis, lusot sa kaso kahit lumabag." Dagdag naman ni Efren.

Maya-maya, nakita rin ng mga kamag-anak ni Ka Dodong ang kanyang kinaroroonan. Akala nila'y tuluyang nawala ang kanilang ama. Ayon sa isang dating bilanggong pulitikal, isa itong kaso ng desaparesido dahil sapilitang siyang iwinala, at si Ka Dodong ay resurfaced pagkat muling nakita.

Ilang araw naman ang lumipas, dumating na ang abugadong sumaklolo kay Ka Lito. Laya na siya. Subalit paano ang ibang walang abugado?

Ang sabi ni Atty. Juan sa mga nabilanggo, "Hindi kayo mga pasaway, dahil ang palpak ay ang plano sa kwarantinang ito. Dapat maging makatao. Kung wala kayong facemask, bakit kayo ikukulong? Ang dali-dali, magbigay lang sila ng facemask, wala na sanang problema. Ang problema, imbes na mga doktor o kaya’y mga espesyalista sa karamdaman ang manguna sa pagbaka sa coronavirus na ito, bakit pulis at militar ang nangunguna? Anong malay ng mga iyan sa problema sa kalusugan? Ang dapat, serbisyong medikal, hindi militar. Checkup at hindi checkpoint. Kung walang facemask, dapat magbigay ng facemask. Tulong, hindi kulong. Paana lang kung maipasa ang Anti-Terror Bill? Baka mas tumindi pa ang mga paglabag sa karapatang pantao..."

Bukod sa mga bilanggo, medyo naliwanagan din ang ilang pulis. Humingi ng pasensya. "Sumusunod lang naman kami sa utos mula sa itaas. Sabi nga ni Presidente, shoot them dead laban sa mga pasaway. Mabait pa kami dahil hindi namin kayo pinatay. Sumusunod lang po kami sa utos."

Napailing na lang ang mga bilanggo at ang abugado sa palsong paliwanag ng pulis.

Bago umalis kasama ng abugado, isinigaw ni Ka Lito, "Karapatang pantao, ipaglaban! Free mass testing now!" na ikinagulat man ng mga naroon ay hinayaan na lang silang makaalis.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hunyo 16-30, 2020, pahina 18-19.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...