Martes, Hulyo 7, 2020

Mensahe sa ika-128 anibersaryo ng Katipunan

Mensahe sa ika-128 anibersaryo ng Katipunan

ngayong araw ay muling sariwain ang Kartilya
ng Katipunan, na sa bayan ay isang pamana
isabuhay ang Kartilyang itong inakda nila
bilang pagpupugay sa mga bayani ng masa

ang buhay na di ginugol sa dakilang layunin
ay damong makamandag o kahoy na walang lilim
oras ay mahalaga, mahusay itong gamitin
sinumang mapang-api'y dapat nating kabakahin

sinumang naaapi'y ipagtanggol nating todo
bilin pa nila'y makipagkapwa't magpakatao
wala sa kulay ng balat, tangos ng ilong ito
alagaan ang babaeng kawangis ng ina mo

mahalagahin mo ang saloobin mo't salita
na dapat mong tupdin pagkat salita'y panunumpa
puri't karangalan ay huwag binabalewala
bawat sinaad sa Kartilya'y isapuso't diwa

pagpupugay sa anibersaryo ng Katipunan
isabuhay natin ang Kartilya nitong iniwan
bilang pag-alala sa kanilang kadakilaan
upang kamtin ng bayan ang asam na kalayaan

- gregbituinjr.
07.07.2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagbabasa sa gabi

PAGBABASA SA GABI madalas sa gabi ako nagbabasa pag buong paligid ay natutulog na napakatahimik maliban sa hilik aklat yaong tangan habang n...