Biyernes, Hulyo 31, 2020

Tanaga sa SONA 2020

TANAGA SA SONA 2020


may panibagong laban

muli ang sambayanan

isasabatas naman:

parusang kamatayan


na binanggit sa SONA

tila ba tayo’y nganga

tila balewala na

ang hustisya sa masa


niligaw tayong lubos

sapagkat paksa’y kapos

para bang nakaraos

walang coronavirus


gayong ito ang dapat

unahin at maungkat

o masyadong mabigat

kaya sa paksa’y nalingat


nasa isip ay tokhang

nitong pangulong halang

kaya bitay at pagpaslang

ang naisip ng hunghang


karapatang pantao’y

di na nirerespeto

tila ba ang gobyerno’y

buong sinakmal nito


kaya paghandaan din

ang labang susungin

hirap mang kalabanin

itong hari ng lagim


magkaisa ang dukha

at uring manggagawa

labanan ang kuhila

na dapat nang bumaba


tanaga - tulang may pitong pantig bawat taludtod


* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Hulyo 16-31, 2020, pahina 20.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...