Miyerkules, Oktubre 28, 2020

Ang inidoro ng ginhawa

O, dama mo ang kirot ng tiyang di madalumat
tila baga pasan mo ang daigdig, O, kaybigat
na ang tanging lunas ay sa palikuran magbawas
at madarama ang ginhawang hinahanap-hanap

sa maraming bagay nga tayo'y abalang-abala
kayod ng kayod para sa kinabukasan nila
nagpapakabusog sa pagkaing di masustansya
tinatagay ang samutsaring alak at serbesa

ngunit anumang sarap ay sa kasilyas dudulo
at tunay na ginhawa ang dala ng inidoro
tulo ang pawis, tutop ang tiyan, pag wala ito
mamamatay kang di mo mawari, sakit sa ulo

mahalaga ang palikuran, iyong napagnilay
doon mo ilagak ang lahat mong sakit at lumbay
siya pala ang lunas sa mga problemang taglay
upang kaginhawaan ay maramdaman mong tunay

- gregoriovbituinjr.

(Ang mga litrato ay kuha ng makata sa bangketa sa labas ng isang paaralan sa La Trinidad, Benguet.)


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...