Martes, Oktubre 6, 2020

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

Ang tunay na kahulugan ng pagsisilbi

naramdaman ko sa piling ng masang inaapi
kung anong tunay na kahulugan ng pagsisilbi
sa bayan, sa paglilingkod ialay ang sarili
katuturan ng buhay ay natagpuan ko rini

hungkag ang buhay sa lugar na napakatahimik
di ako bagay doon habang iba'y humihibik
ng panlipunang hustisya't dama'y paghihimagsik
nais ko pa ring magsilbi, sa puso'y natititik

di ko nais aksayahin ang buhay ko sa wala
isa akong frontliner na sa sigwa'y sasagupa
isang tibak akong kasangga'y uring manggagawa
at sekretaryo heneral naman ng maralita

ang nais ko'y ialay ang natitira kong buhay
sa bawat pakikibaka't sa prinsipyo kong taglay
bilang paralegal ng dukha'y nagpapakahusay
kaya mananatiling tibak hanggang sa mamatay

- gregoriovbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payo sa isang dilag

PAYO SA ISANG DILAG aanhin mo ang guwapo kung ugali ay demonyo at kung di mo siya gusto dahil siya'y lasenggero ay bakit di mo tapatin a...