Huwebes, Pebrero 25, 2021

Di sarili ang aking inuuna

di ko na inisip saan makikinabang ako
o kung pagyaman ay isipin ko pang papaano
basta't madamang may silbi ako sa bayang ito
iyon ay sapat na't payapa ang puso't diwa ko

sariling bukas din naman ay minsang iniisip
subalit ayoko namang laging nananaginip
inalay na ang panahon upang kapwa'y mahagip
nang magkasamang kumilos upang iba'y masagip

laban sa pinunong uhaw sa dugo't magpaputok
laban sa kapitalismong sa tubo nga'y dayukdok
laban sa sistemang bulok na sadyang umuuk-ok
sa bayan kaya maging handa sa pakikihamok

may nagsabi, sarili ko raw ang aking unahin
salamat po, ngunit di iyan ang aking layunin
pagkat nabubuhay ako dahil sa adhikain
upang lipunang makatao'y maitayo man din

- gregoriovbituinjr.

* ang litrato'y kuha ng makatang gala habang naglalakad-lakad kung saan-saan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...