Huwebes, Oktubre 14, 2021

Kabataan, balisa sa climate crisis

MGA KABATAAN, NABABALISA SA HINAHARAP DAHIL SA MATINDING EPEKTO NG KRISIS SA KLIMA
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraang Setyembre 2021 ay nabalita ang pagkabalisa ng kasalukuyang henerasyon ng mga kabataan mula sa iba't ibang bansa hinggil sa hinaharap o kanilang kinabukasan bunsod ng epekto ng pabago-bagong klima o climate change.

Tingnan muna natin ang pamagat ng mga balita bago natin iulat ang mga nilalaman niyon. Sa BBC news (bbc.com): "Climate change: Young people very worried - survey", Setyembre 14, 2021. Sa cnbc.com: "Nearly half of young people worldwide say climate change anxiety is affecting their daily life," Setyembre 14, 2021. Sa nature.com: "Young people's climate anxiety revealed in landmark survey," Setyembre 22, 2021.  Sa medicalnewstoday.com: "Eco-anxiety: 75% of young people says 'the future is frightening'", Setyembre 28, 2021. Nakababahala rin ang pamagat ng ulat ng The Guardian: "Four in 10 young people fear having children due to climate crisis," Setyembre 14, 2021.

Ayon sa BBC news, nagsagawa ng survey sa 10 bansa, na pinangunahan ng University of Bath sa pakikipagtulungan sa lima pang unibersidad. Ito'y pinondohan ng Avaaz, na isang campaign and research group. Sinasabi nila diumanong ito na ang pinakamalawak na survey na naisagawa, dahil tumugon ay nasa 10,000 kabataang nasa edad na 16 hanggang 25. Ayon naman sa The Guardian, "The poll of about 10,000 young people covered Australia, Brazil, Finland, France, India, Nigeria, the Philippines, Portugal, the UK and the US."

Sa ulat ng cnbc.com, pinangunahan ang pag-aaral ng mga akademiko mula sa Universty of Bath ng United Kingdom at ng Stanford Center for Innovation in Global Health, "among others... under peer review in The Lancet Planetary Health journal."

Ang pangunahing may-akda ng pag-aaral na si Caroline Hickman ng University of Bath ay nagsabi sa BBC News: "This shows eco-anxiety is not just for environmental destruction alone, but inextricably linked to government inaction on climate change. The young feel abandoned and betrayed by governments." Si Ms. Hickman ay mula rin sa University of Bath Climate Psychology Alliance.

Ayon naman kay Liz Marks na may-akda rin ng nasabing pag-aaral at senior lecturer sa University of Bath na nakabibiglang marinig o "shocking to hear how so many young people from around the world feel betrayed by those who are supposed to protect them." At idinagdag pa niya, "Now is the time to face the truth, listen to young people, and take urgent action against climate change." Marahil, di lang makinig kay Greta Thunberg ng Sweden, kundi sa lahat ng mga kabataan. Ayon nga sa Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) kung saan ay matagal ko nang nakasama, na dapat magdeklara na ang gobyerno ng Pilipinas ng climate emergency at kumilos, lalo na ngayong siyam na taon na lang ang nalalabi bago mag-2030.

Matatandaang sinabi ng UNFCCC (United Nations Framework Convention on Climate Change) noong Oktubre 2018 na may labindalawang taon na lang upang masagip ang mundo sa sitwasyong "point of no return". Ibig sabihin bago mag-2030, dapat magbawas ng emission o usok ang mga bansa upang di abutin ng mundo ang lampas ng 1.5 degrees pang lalong pag-iinit ng daigdig. Kung hindi'y maraming lugar ang lulubog sa tubig dulot ng climate change.

Sinabi naman ni Tom Burke ng think tank na grupong e3G: "It's rational for young people to be anxious. They're not just reading about climate change in the media - they're watching it unfold in front of their own eyes." 

Ayon pa sa mga may-akda, ang antas ng pagkabalisa ng mga kabataan "appear to be greatest in nations where government climate policies are considered weakest." Dagdag pa nila, "failure of governments on climate change maybe defined as cruelty under human rights legislation. Six young people are already taking the Portuguese government to court to argue this case." BBC News

Nabanggit ang Pilipinas sa ulat ng cnbc.news: "Young people from countries in the Global South expressed more worry about the climate crisis, with 92% in the Philippines describing the future as "frightening." Ang ulat na ito'y naging editoryal din ng Philippine Daily Inquirer kung saan ang pamagat ng editoryal ay "The future is frightening." (Oktubre 3, 2021)

Sa Medical News Today ay nakapanayam ang isang Pinay, at ito ang ulat: Mitzi Tan, a 23-year-old Philippina (Filipina) told the University of Bath: "I grew up being afraid of drowning in my own bedroom. Society tells me that this anxiety is an irrational fear that needs to be overcome - one that meditation and healthy coping mechanisms will 'fix.' At its root, our climate anxiety comes from this deep-set of betrayal because of government inaction. To truly address our growing climate anxiety, we need justice."

Mabigat ang huling salitang sinabi ng Pinay: JUSTICE, hindi just tiis. Kaya ang konsepto ng CLIMATE JUSTICE , na naging dahilan din ng pagkakatayo ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ) noong Hunyo 2010, ay aking niyakap. Hanggang ako'y maging bahagi ng Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Nobyembre 2014, at sa French Leg ng Climate Pilgrimage noong 2015.

Nais kong ibuod ang ulat sa pamamagitan ng tula.

KABATAAN, BALISA DAHIL SA KRISIS SA KLIMA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.
Oktubre 14, 2021

sampung libong kabataan mula sa sampung bansa
o kaya'y sanlibong kabataan sa bawat bansa
ang kinapanayam hinggil sa klimang lumalala
mga tugon sa panayam ay nakababahala

kabataan ay binigo raw ng mga gobyerno
na dapat daw unang tumugon sa krisis na ito 
climate change ay isyu raw ng karapatang pantao
may mga kabataang handang magsampa ng kaso

kabataang balisa sa kanilang hinaharap
pulos pangako lang ba ang gobyernong mapagpanggap?
dahil sa krisis sa klima'y kayraming naghihirap
ngayon pa'y balisa ang kabataang may pangarap

takot ding magkaanak dahil sa krisis sa klima
kinabukasang nakakatakot ang nakikita
wala raw ginagawang sapat ang gobyerno nila
upang lutasin ang krisis na pandaigdigan na

sadyang nakababahala ang ganitong sitwasyon
bagamat may ginagawa ang ating henerasyon
siyam na taon pa, sa krisis ba'y makababangon
sa mga kabataang ito'y anong ating tugon

may hiling na magdeklara ng climate emergency
dito lang sa Pilipinas, ito na'y sinasabi
sana mga gobyerno'y di maging bulag, pipi't bingi
upang sa huli, ang buong mundo'y di magsisisi

Mga pinaghalawan:
https://www.nature.com/articles/d41586-021-02582-8
https://www.cnbc.com/amp/2021/09/14/young-people-say-climate-anxiety-is-affecting-their-daily-life.html
https://www.bbc.com/news/world-58549373
https://www.medicalnewstoday.com/articles/eco-anxiety-75-of-young-people-say-the-future-is-frightening
https://www.google.com/amp/s/amp.theguardian.com/environment/2021/sep/14/four-in-10-young-people-fear-having-children-due-to-climate-crisis
https://www.google.com/amp/s/www.euronews.com/green/amp/2021/09/14/climate-anxiety-as-global-study-reveals-three-in-four-young-people-think-the-future-is-fri

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...