Sabado, Oktubre 16, 2021

Magkaibang kulay ng iisang kwaderno

MAGKAIBANG KULAY NG IISANG KWADERNO

ngayon ko napagtanto ang gawa ng potograpo
sa epekto ng ilaw o liwanag sa litrato
lalo't nalitratuhan ang kay misis na kwaderno
kuha ko'y magkaibang kulay, alin ang totoo

kwaderno ba niya'y nangangasul o namumula
maniwala ka man o hindi, kwaderno'y iisa
hapon kong kinunan, ang isa'y nang maliwanag pa
isa naman ay nang bukas ang ilaw na bombilya

ngunit di ko sinasadyang makunan ang ganoon
gayong ang ginamit ko lang ay kamera ng selpon
inisip maigi ang nangyaring tila ilusyon
kwaderno'y tiningnan ano talagang kulay niyon

habang litrato't kwaderno'y sinusuring mataman
napagtanto ko rin ang matagal pinag-isipan
liwanag ng ilaw at araw pala ang dahilan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan

kung muli kong gagawin, sa totoong kamera na
maging talagang potograpong pangarap tuwina
baka maraming eksperimento ang magawa pa
sa ilaw upang gumanda ang aking mga kuha

- gregoriovbituinjr.
10.16.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...