Biyernes, Oktubre 8, 2021

Talinghaga

TALINGHAGA

malasa pa ba sa dila ang mga talinghaga
habang naririto't nagpapagaling sa hilaga
habang sa hangin ay lutang ang amoy ng nilaga
habang tinitiyak na naiinitan ang baga

anuman ang lasa ng talinghagang nalilirip
ito ma'y asukal sa tamis o apdo sa pait
dapat kahit maysakit ay wasto ang naiisip
at di napupunit tulad ng damit na gulanit

ako'y langay-langayan sa Pulo ng Makahiya
pinamumunuan ang kawan ng laksang kawawa
na nais maghimagsik laban sa trapong kuhila
pagkat nagdala ng salot na dapat lang mapuksa

bakit agila ang sa mga isda'y mamumuno
tanong ng pipit at mayang tila magkalaguyo
bakit trapong nahalal ay balimbing at hunyango
may kapayapaan ba kung pag-ibig ay maglaho

ano ang talinghaga sa kwento ng maglalatik
kung may makatang lagi nang nakaapak sa putik
maiging nasusulat, talinghaga'y natititik
upang sa bungad pa lang ng akda'y nakasasabik

- gregoriovbituinjr.
10.08.2021

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pluma

PLUMA nakatitig muli sa kisame may pinagninilayan kagabi hanggang mga mata'y napapikit sa loob ay may kung anong bitbit madaling araw, t...