Huwebes, Pebrero 10, 2022

Pagtula sa rali

PAGTULA SA RALI

nais kong magtanghal ng tula
doon sa harapan ng madla
ipadama ang mga katha
ibahagi ang nasa diwa

sa rali bumibigkas minsan
ng tula, isang karangalan
pati sa pulong ng samahan
na sa puso ko'y kasiyahan

rali'y pinaghahandaan ko
dapat alam mo anong isyu
minsan, mababatid lang ito
pag nasa rali ka na mismo

kwaderno't pluma'y handa lagi
isusulat ang isyu't mithi
pag natapos ay ibahagi
sa madla'y bigkasin kong iwi

ngunit madalas, di pagbigyan
tumula sa harap ng bayan
gayunman, tatahimik na lang
kung tula'y di pahalagahan

kaya buong pasasalamat
kung ako'y tawagin ngang sukat
bibigkas ng tulang sinulat
isyu'y ipaunawang mulat

- gregoriovbituinjr.
02.10.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Isang tula bawat araw

ISANG TULA BAWAT ARAW ang puntirya ko'y isang tula bawat araw sa kabila ng trabaho't kaabalahan sa pananaliksik, pagsulat ng pananaw...