Martes, Pebrero 1, 2022

Wala nang libreng sakay

WALA NANG LIBRENG SAKAY

ang libreng sakay sa bus carousel ay natapos na
mabuti't patakarang iyon ay naabutan pa
noon ngang Nobyembre't Disyembre'y nalibreng talaga
nang matapos iyon, sa pasahe'y magbabayad ka

walang problemang magbayad at may ibibigay
na salaping laan doon ang mga mananakay
gayunman ay malaking tulong na ang libreng sakay
upang sa pandemya'y maibsan ang problemang tunay

nagluwag na nga ba kaya libreng sakay na'y wala
at nagsipasok na sa trabaho ang manggagawa
hanggang "no vaccination, no ride" ang umiral na nga
kung wala nito'y di makasakay, nakatunganga

noong Enero'y dumukot na ng pamasahe
na bahagi na ng pang-araw-araw na diskarte
na bagamat sa bus carousel ay wala nang libre
ay patuloy ang buhay, naroon man o narine

datapwat mahalaga, pamasahe'y di mabigat
upang may nakalaan sa pagkain, di man sapat
habang dito'y nagninilay, sa diwa'y di mapuknat
sa libreng sakay noon, paabot ko'y pasalamat

- gregoriovbituinjr.
02.01.2022

* litratong kuha ng makatang gala habang nakasakay sa bus carousel

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Isang tula bawat araw

ISANG TULA BAWAT ARAW ang puntirya ko'y isang tula bawat araw sa kabila ng trabaho't kaabalahan sa pananaliksik, pagsulat ng pananaw...