Sabado, Marso 26, 2022

Lakas ng bisig

LAKAS NG BISIG

Manggagawa, binubuhay n'yo'y buong daigdigan
nilikha't pinaunlad ang ekonomya ng bayan
gumawa ng mga tulay, gusali, paaralan
highway, Senado, Kongreso, Simbahan, Malakanyang

Manggagawa, may kaunlaran nang dahil sa inyo
ngunit nagsisilbi sa mapagsamantalang amo
kulang sa pamilya ang sahod, kaybaba ng sweldo
gayong lipunan at bansa ang pinaunlad ninyo

tulad ng magsasaka, sa pawis ninyo nanggaling
ang ekonomya ng bansa at kinakain namin
subalit kayong Manggagawa'y naghihirap pa rin
dapat sarili n'yo'y tubusin sa pagkaalipin

kung wala kayong Manggagawa ay walang pag-unlad
ang sistemang kapitalismo'y sadyang di uusad
Manggagawa ang bayani, nagbigay ng dignidad
nagpaunlad ng daigdigan, ng bansa, ng syudad

Manggagawa, salamat sa lakas ng inyong bisig
subalit kapitalismo'y dapat nating malupig
tagapamandila ng sistemang ito'y mausig
pagkat mundong ito'y sa inyong nawalan ng tinig

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...