Biyernes, Marso 11, 2022

Panawagan ng kilusang ORIANG

PANAWAGAN NG KILUSANG ORIANG

"Ipanalo ang paglaya ng kababaihan!"
at "Sagipin ang bayan mula sa kahirapan!"
dinggin ang mariing hiyaw ng kilusang ORIANG
at damhin ang katapatan ng paninindigan

silang mga babae'y di dapat binabastos
Safety Spaces Act, VAWC Act, alaming lubos
di dapat mga buhay nila'y kalunos-lunos
dahil sa hirap na dulot ng pambubusabos

sinumang babae'y larawan ng ating ina
lalo't tayo'y mula sa sinapupunan nila
ika nga, kung kaya ng lalaki, kaya nila
ngunit kanilang sweldo'y di patas sa pabrika

double burden, dobleng pasanin ang maririnig
sa mga babaeng tila nawalan ng tinig
paano lalaya, dinggin ang kanilang tindig
unawain silang kalahati ng daigdig

ang panawagan ng Oriang ay dapat malirip
paano bang bayan sa kahirapan masagip
ang paninindigan nila'y walang kahulilip
kundi paglaya nilang sa puso halukipkip

- gregoriovbituinjr.
03.11.2022
* litratong kuha ng makatang gala noong Women's Day

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pagbabasa ng kwentong OFW

PAGBABASA NG KWENTONG OFW sabik din akong magbasa ng mga kwento hinggil sa tunay na buhay, dukha, obrero lalo na't aklat hinggil sa OFW ...