Sabado, Marso 26, 2022

Pusang himbing

PUSANG HIMBING

tinitigan ko ang pusang iyon
sa pagkahigang parang nilulon
ng animo'y dambuhalang dragon
sa bayang paglaya'y sinusulong

pusang buntis na himbing na himbing
baka pagod, mamaya gigising
pag kumagat na ang takipsilim
muli'y maghanap ng makakain

himbing sa ilalim ng sasakyan
tila malalim ang panagimpan
ano kayang kanyang pakiramdam?
himbing sa panahong kainitan

nahimbing dahil sa pagkabusog?
pagkakain ay agad natulog?
napagod sa pagpanhik-panaog?
nanaginip kasama ang irog?

katanghaliang tapat umidlip
ang pusang buntis na di malirip
pabiling-biling, anong nalirip?
kuting sana'y di mahagip ng dyip

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...