Huwebes, Marso 17, 2022

Tulaan sa 3.21

Ilang araw na lang, World Poetry Day na! May tulaan sa darating na Marso 21, 2022.

Nais mo bang magbasa ng tula, o makibahagi sa pagdiriwang ng World Poetry Day? Tara, sa BMP opis sa Pasig, sa 03.21.2022, sa ikaapat ng hapon hanggang ikawalo ng gabi. Ibidyo natin ang iyong pagtula.

Babasahin ang mga tulang nalathala na sa FB page na 101 Red Poetry for Ka Leody and Walden, at sa kanilang line up. O kung may ambag kang tula na nais mong basahin.

Maghahanda po kami ng puto, kutsinta't malamig na tubig lang po para sa ating poetry reading. Kita-kits!

TULAAN SA MARSO 21

tara't magtulaan tayo
ngayong Marso Bente-Uno
Araw ng Pagtula ito
World Poetry Day sa mundo

tara, bumigkas ng tula
hinggil sa obrero't dukha
hinggil sa danas na sigwa
hinggil sa mga makata

mga paksang samutsari
mutyang may magandang ngiti
at may mapupulang labi
paglutas sa isyu't sanhi

araw na ito'y tandaan
sabay nating ipagdiwang
dito, tayo'y magbigkasan
ng kinatha natin naman

- gregoriovbituinjr.
03.17.2022

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Kasaysayan

KASAYSAYAN bilin ni Oriang sa kabataan: matakot kayo sa kasaysayan walang lihim na di nabubunyag isang patnubay ang kanyang bilin tungkulin ...