Biyernes, Marso 24, 2023

Parak-manggagahasa

PULIS-MANGGAGAHASA

mabuti't nakatakas ang estudyante
sa kamay ng dalawang parak na peste
habang tulog ay ginahasa ang pobre
buti't nagising ang kawawang babae

siya't nakawala't humingi ng tulong
sa mga kaibigan agad nagsumbong
dalaga'y nagsampa ng kaso't sinuplong
ang dalawang parak na ngayon na'y kulong

kurikong kagaw ang kanilang kapara
o baka anay sa hanay ng pulisya
o ulupong na nanunuklaw ng iba
na baka hanap lagi'y mabibiktima

ang tulad nila'y di dapat pamarisan
marahil dapat mabulok sa piitan
mabuti't gumagalaw ang katarungan
na sa biktima'y nabigay ng agaran

- gregoriovbituinjr.
03.23.2023

* headline sa pahayagang Pang-Masa, Marso 23, 2023: "2 Pulis-Cavite Inaresto sa Rape", at sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 23, 2023, p. 9: "Grade-12 student ni-rape ng 2 pulis"

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...