Martes, Abril 11, 2023

Salin ng mga termino sa matematika't agham

SALIN NG MGA TERMINO SA MATEMATIKA'T AGHAM

kung salin ng siyensya ay agham
ang matematika ay sipnayan
habang artitmetik ay bilnuran
geometry naman ay sugkisan

aba'y sinalin na pala ito
sa sariling wikang Filipino
aba'y lalo tayong matututo
kung gamit ay wika natin dito

ang set algebra'y palatangkasan
habang ang algebra'y panandaan
trigonometry ay tatsihaan
statistics ay palautatan

danumsigwasan ay sa hydraulics
buhagsigwasan sa pneumatics
initsigan sa thermodynamics
habang liknayan naman sa physics

timbulog, salin ng spherical
tulad ng laumin sa integral
tingirin naman sa differential
ah, pagsalin na'y ating itanghal

salin ng calculus ay tayahan
biology naman ay haynayan
salin ng equation ay tumbasan
ang dynamics naman ay isigan

salin ng monomial ay isakay
sa binomial naman ay duhakay
salin ng trinomial ay talukay
at sa polynomial ay damikay

tingni: isa, duha, talu, dami
sa mono, bino, trino, at poly
kapnayan ang salin sa chemistry
haykapnayan sa biochemistry

salin naman ng solid ay siksin
habang sa gravity nama'y dagsin
aba'y kayganda ng mga salin
na sa akda'y magandang gamitin

- gregoriovbituinjr.
04.11.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Pluma

PLUMA nakatitig muli sa kisame may pinagninilayan kagabi hanggang mga mata'y napapikit sa loob ay may kung anong bitbit madaling araw, t...