Lunes, Hunyo 5, 2023

Ngayong World Environment Day 2023

NGAYONG WORLD ENVIRONMENT DAY 2023

sa harap ng D.E.N.R, walang nagpo-protesta
nang magtungo ako ng ikasampu ng umaga
kaya pala walang imbitasyon akong nakita
dahil kaya administrasyong ito'y naiiba?

di ba katulad ng nakaraang administrasyon
aba'y kabi-kabila ang mga pagkilos noon
sadyang naghanap ako ng masasamahan ngayon
upang maibulalas ang sa diwa'y mga tanong:

bakit ba progreso'y mapanira ng kalikasan?
kaya raw nagmimina ay para sa kaunlaran
kinalbo ang gubat at pinatag ang kabundukan
iyan ba ang development? progreso nga ba iyan?

matindi na ang pananalasa ng microplastic
sa paligid-ligid, na sa laot pa'y nagsumiksik
di sapat ang paggawa ng ekobrik at yosibrik
upang malutas ang suliraning kahindik-hindik

ngayong World Environment Day, ating alalahanin
sa pagkasira ng kalikasan, anong gagawin
meron nang Right to a Healthy Environment ang U.N.
Rights of Nature pa'y dapat ding maitaguyod natin

mabuhay ang mga nangangalagang katutubo
sa kagubatan, kabundukan, upang di maglaho
mabuhay yaong nakikibakang di humihinto
upang kapaligira'y alagaa't mapalago

- gregoriovbituinjr.
06.05.2023

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...