Martes, Enero 16, 2024

Ang wastong gamit ng gitling sa panlaping ika

ANG WASTONG GAMIT NG GITLING SA PANLAPING IKA
Munting sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano nga ba ginagamit ang gitling sa panlaping ika? Sa pagkakaalam ko, ginagamitan ng gitling ang ika pag ang kasunod na salita ay numero. 

Ang ika ay panlapi, kaya ikinakabit ito sa salitang-ugat. Kaya bakit lalagyan ng gitling kung naging salita na ang pagkakabitan ng ika? Halimbawa, ikaapat, ikalima, ikaanim. Pag numero na sila, lalagyan na ng gitling, ika-4, ika-5, ika-6.

Nakita ko na naman ang ganitong pagkakamali sa palaisipan sa isang pahayagan ngayong Enero 16, 2024. Sa unang larawan ay makikita sa 4: Pahalang ang Ika-apat na buwan. Dapat ay Ikaapat na buwan. 

Sa aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos, sa Kabanata VI, Ang Palagitlingan, pahina 58, ay ganito ang nakasulat (tingnan din ang ikalawang larawan):

(m) kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod na hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero, figure). Gaya ng:

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4; kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng: 

ikawalong oras; ikasampu't kalahati; ikalabing-isa
ikadalawampu't walo ng Pebrero; ikalabintatlo ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawa

Sa tungkulin namang pandiwa, ang ika, na nangangahulugan ng maging sanhi, kadahilanan, o bagay na ikinagagawa o ipinangyayari ng sinasabi ng salitang-ugat, ay ikinakabit na rin nang tuluyan o walang gitling, yamang wala nang iba pang anyong sukat pagkamalan. Gaya ng:

ikamatay, ikakilala, ikalungkot, ikaunlad, ikagiginhawa

Kahit naman hindi natin tingnan ang alituntunin sa Balarila ni L.K.Santos, pag alam nating panlapi, ikinakabit natin ito sa salitang-ugat nang hindi nilalagyan ng gitling. Halimbawa, magutom, nagtampo, paglathala, mangahas, makibaka.

Maraming panlapi, hindi lang ika. Nariyan ang ma-, mang-, mag-, na, nang-, nag-, pa-, pang-, pag, at iba pa. Subalit kailan ito lalagyan ng gitling? Walang gitling sa mga salitang-ugat, maliban kung depende sa buka ng bibig, lalo na kung kasunod ng panlaping may katinig sa dulo ang salitang-ugat na nagsisimula sa patinig. Ang mayari ay iba sa may-ari. Ang pangahas ay iba sa pang-ahas. Ang nangalay ay iba sa nang-alay. Ang magisa ay iba sa mag-isa.

Nawa'y naunawaan natin ang tamang paggamit ng gitling sa ika. Payak lang ang panuntunan. Pag numero ang kasunod ng ika, may gitling sa pagitan nila. Ika-7, ika-8, ika-9. Subalit kung salita, hindi na nilalagyan ng gitling. Ikapito, ikawalo, ikasiyam.

Naisipan kong gawan ng tula ang paggamit ng gitling sa ika.

ANG GITLING SA PANLAPING IKA

lalagyan mo ng gitling ang panlaping ika
kung kasunod ay numero, at hindi letra
walang gitling sa ikaapat, ikalima
ngunit meron sa ika-4, ika-5

sa panlaping ika'y ganyan ang panuntunan
bukod sa ika, maraming panlapi riyan
pag-, mag-, nang-, maki-, aba'y kayrami po niyan
wastong paggamit nito'y dapat nating alam

may panlaping depende sa buka ng bibig
kapag ang dulo ng panlapi ay katinig
simula ng salitang-ugat ay patinig
tulad ng pag-asa, pang-uuyam, pag-ibig

alamin ang wastong paggamit ng panlapi
upang sa pagsusulat ay di magkamali
pangit basahin kung salita'y bakli-bakli
imbes kanin at ulam, hapunan mo'y mani

01.16.2024

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Ilang aklat ng katatakutan

ILANG AKLAT NG KATATAKUTAN marahil, di libro ng krimen kundi multo ang paglalarawan sa nariritong libro akdang katatakutan ni  Edgar Allan P...