Biyernes, Abril 19, 2024

Libing

LIBING

katanghaliang tapat nang nagmisa sa Balayan
bago dalhin si ama sa kanyang paghihimlayan
matapos ay hinatid ng labinlimang sasakyan
si ama patungong Calaca sa huling hantungan

napakainit ng tanghaling natigib ng luha
nang bumabaybay ang sasakyan patungong Calaca
ngunit hanging kaylamig ang humahampas sa mukha
hanggang marating ang sementeryong gabok ang lupa

tila ba sa kabaong si Dad ay himbing na himbing
bagamat alam nating di na siya magigising
inilagak na sa huling hantungan ang magiting
na amang sa asawa't mga anak ay kaylambing

pagpupugay sa iyo, Dad, sa inalay mong buhay
sa pamilya at sa kapwang natulungan mong tunay
pinakita sa iyong larang ang napakahusay
na serbisyo sa bayan at sa pamilyang kalakbay

- gregoriovbituinjr.
04.19.2024

* litratong kuha ng makatang gala nang inilagak ang labi ng kanyang ama sa sementeryo ng Calaca, ikatlo ng hapon, Abril 18, 2024
* ang nasa ilalim na lapida ay sa kanyang ama at ina

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...