Miyerkules, Hulyo 17, 2024

Ang mag-Ingles, ayon kay Marian Rivera

ANG MAG-INGLES, AYON KAY MARIAN RIVERA

anong ganda ng sinabi ni Marian Rivera
aba'y sadya namang sa kanya'y mapapahanga ka
ang kanyang sinabi: "Aanhin ko ang kagalingan 
sa pag-i-Ingles kung hindi naman ako marunong
dumeskarte, at hindi mapagmahal sa magulang
o nakalimutan ko ang mga kaibigan ko.
Kung ang depinisyon ng pagiging matalino ay
mag-Ingles lang, 'wag na lang akong maging matalino."

di man siya makata o isang panitikero
ay nauunawa niya ang wika ng ninuno
ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit
pa sa amoy ng isang mabaho't malansang isda

maraming nag-i-Ingles dahil doon nanghihiram
ng tapang upang sila'y magmukhang kagalang-galang
kahit na pagkatao't ugali'y kagulang-gulang
tusong nag-i-Ingles upang sa iba'y makalamang

nakita nila sa wikang Ingles ang instrumento
ng pang-aapi at pagsasamantala sa tao
iniisahan ang katutubong di Inglesero
nilalamangan ang maliliit, dukha't obrero

O, Marian Rivera, salamat sa prinsipyo mo
ako'y lubos na nagpupugay, saludong totoo
paninindigang makamasa't sadyang makatao
dapat sinabi mo'y tumimo sa isip ng tao

- gregoriovbituinjr.
07.17.2024

* litrato mula sa Marian Rivera Fans fb page

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...