ANG MABUTING KAPITBAHAY
ang mabuting kabitbahay ba'y tulad
ng isang mabuting Samaritano?
matulungin sa kapwa't komunidad?
at tunay siyang nagpapakatao?
pagkat di nagkakalat ng basura
sa bakuran ng kanyang kapitbahay
malinis sa kapaligiran niya
kalat ay sa tama inilalagay
at kung kaybuti ng pakikitungo
ng kapitbahay sa kapwa't paligid
ay kaygandang bukas ang mahahango
kabutihan iyong di malilingid
subalit di para sa karangalan
o makatanggap ng anumang gawad
o kaya'y mapuri ng taumbayan
o sumikat, makilala ang hangad
marapat ay tahimik nating gawin
dahil batid nating iyon ang tama
magpakabuti, kahit di purihin
wasto'y gawin sa paraang payapa
- gregoriovbituinjr.
07.22.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento