MINIMUM WAGE SA MAMBABATAS, LIVING WAGE SA MANGGAGAWA
saludo kina Eli San Fernando at Renee Co
sa panawagang minimum wage na sa solon sweldo
tunay silang lingkod bayan ng karaniwang tao
sa kanila'y nagpupugay akong taaskamao!
kayang mabuhay sa minimum wage ng mambabatas
kahit sa kongreso't senado, bangko'y binubutas
ngunit magsisipag kayâ ang trapong talipandas?
na gawin ay batas na para sa lahat ay patas?
kayang mabuhay sa minimum wage ng kongresista
tongpats o insersyon sa badyet ba'y mawawala na?
o kailangan talagang baguhin ang sistema?
nang mawala na ang pulitikal na dinastiya!
ngunit di sapat ang minimum wage sa manggagawà
lalo't buhayin ang mundo ang tungkuling dakilà
silang gulugod ng ekonomya ng bawat bansâ
ngunit sila pang manggagawà ang nagdaralitâ
kayâ sigaw ng manggagawà ay SAHOD ITAAS!
ay di pa dahil wala sa minimum wage ang sahod
kundi mas mataas sa minimum wage ay maabot
kayâ LIVING WAGE ang sinisigaw nilang madalas
iyang LIVING WAGE nga'y nakasulat sa Konstitusyon
mawalâ ang political dynasty pa'y naroon
subalit di naman naisabatas hanggang ngayon
ay, iyan pa kayang minimum wage para sa solon?
- gregoriovbituinjr.
10.22.2025
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento