Linggo, Oktubre 5, 2025

Sa laging nag-aaya na gabi-gabing mag-inom

SA LAGING NAG-AAYA NA GABI-GABING MAG-INOM

para raw makalimot sa aking pinagdaanan
iyan ang payo sa akin ng isang manginginom
noong birthday ko ay di ko raw siya tinagayan
aba'y bakit ko tatagayan ang senglot na iyon

dadamayan daw niya ako upang makalimot
sa pinagdaraanang hapdi raw ng pagkawala
ni misis sa sakit, siya rin daw ay nalulungkot
kaya kaming dalawa raw ay magsitagay na nga

kanyang sinabi'y palsong katwiran para sa akin
bakit ko naman lilimutin ang tangi kong sinta
gayong si misis ang diwatang laging sasambahin
ayokong lumimot, nais ko siyang maalala

mahirap kausap ang lasenggo o lasenggero
na araw-gabi, may hawak na bote, naglalasing
pabaya sa pamilya, tapos yayayain ako
mas mabuti pang matulog ang sa kanya'y pasaring

- gregoriovbituinjr.
10.04.2025

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Sa laging nag-aaya na gabi-gabing mag-inom

SA LAGING NAG-AAYA NA GABI-GABING MAG-INOM para raw makalimot sa aking pinagdaanan iyan ang payo sa akin ng isang manginginom noong birthday...