Sabado, Marso 14, 2026

Di mapipigilan ng tulâ ang punglô

‎DI MAPIPIGILAN NG TULÂ ANG PUNGLÔ

“A poem cannot stop a bullet. A novel can't defuse a bomb. But we are not helpless. We can sing the truth and name the liars.” ~ Salman Rushdie
‎di mapipigilan / ng tulâ ang punglô
‎na tama rin naman / pag iyong natantô
‎gusot sa pagitan / ng magulong mundô
‎ay dapat ayusin, / maplantsa nang buô
‎di makakakalas / ng mitsa ng bomba
‎ang mahabang kathâ / nitong nobelista
‎subalit di tayo / kulangpalad, dusta
‎pagkat tayo pa ri'y / may magagawâ pa
‎ang katotohana'y / maaawit natin
‎mapapangalanan / yaong sinungaling
‎di tayo kawawà, / marapat ay gawin
‎sa ikabubuti / ng lahat sa atin
‎tutulan ang digma / ng imperyalismo
‎na dahilan kayâ / tumaas ang krudo
‎ang buhay ng kapwa'y / dapat irespeto
‎ngunit ikulong 'yung / korap sa gobyerno
‎mula sa panulat / ni Rushdie na sikat
‎ay itinulâ ko / ang isiniwalat
‎tumula't tumudlâ / nang makapagmulat
‎akong inyong lingkod / gamit ang panulat 
‎- gregoriovbituinjr.
‎03.14.2026

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Parang gerilya akong nagbenta ng aklat sa Philippine Book Festival 2026

PARANG GERILYA AKONG NAGBENTA NG AKLAT SA PHILIPPINE BOOK FESTIVAL 2026 Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr. Nakadalawang ara...