Sabado, Hunyo 17, 2023

Talinum pala ang spinach

TALINUM PALA ANG SPINACH

minsang maparaan ako sa palengke sa Baguio
ang tindang spinach ay kinunan ko ng litrato
aba'y talinum pala ito kung tawagin dito
salitang magandang ipalaganap na totoo

lokal na salitang sa pag-akda'y nais gamitin
na nasa U.P. Diksiyonaryong Filipino rin
gulay o dahon itong kaysarap sadyang ulamin
na mailalaga o kaya'y isapaw sa kanin

spinach na pampalakas ni Papay Da Selorman
masarap at pampaganda rin ng pangangatawan
marahil kaya talinum pampatalino naman
na pag inulam ay pampalusog niring isipan

tawag din ay water leaf, aba'y parang naiinom
pampatighaw ng uhaw at pampawi rin ng gutom
gayunpaman ay itutula ko na ang talinum
magtanim nito't baka sa sugat ay pampahilom

- gregoriovbituinjr.
06.17.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Baguio

* talinum - matatagpuan din sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, p. 1215 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Nasawi nang masabugan ng kwitis

NASAWI NANG MASABUGAN NG KWITIS sadya bang Pinoy ay walang kadala-dala kada Bagong Taon, kaytitinding paputok nasabugan, may mga daliring na...