Linggo, Oktubre 1, 2023

Pana, panagip, panaginip

PANA, PANAGIP, PANAGINIP

napanaginipan kong ako'y pinapana
ngunit anong panagip ko nang di tumama
sa katawan ang dusa't hirap ng timawa
nang di danasing muli ang lumbay at luha

tila gising na gising habang nagaganap
ang frat war na di maawat, walang paglingap
sa bawat isa, idudulot lang ay hirap
sa kaloobang katwiran ay di matanggap

bakit ba ganyang samahan ay itinayo?
upang depensa mo sa bully, gago't uto?
kung mapatay mo pa'y titira ka sa hoyo
pamilya'y kawawa't dinulot mo'y siphayo

anong panagip ko sa pana't pananakit?
sa panaginip sana'y magising na ulit
ang pagpapakatao'y di dapat mawaglit
at huwag hayaang laya'y maipagkait

- gregoriovbituinjr.
10.01.2023

hoyo - salitang pabalbal sa kulungan

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Payò sa tulad kong Libra

PAYÒ SA TULAD KONG LIBRA di ako mahilig sa horoscope subalit mahilig ako sa pagsagot ng sudoku ngunit dahil sa dyaryo sila'y magkatabi a...